Jahnzell Malino

Mabuhay! Ako po si Jahnzell C. Malino, dalawang taon nang assisted scholar ng Sunshine Club. Napakaswerte ko po dahil isa ako sa mga napili na biyayaan ng kabutihang puso mula sa isang indibidwal na tao. Ang kanyang kagandahang loob ang nagsisilbing tulay upang makamit ko ang aking mga panagarap. 


Nung nakaraang taon lamang ay nagtapos ako ng Senior High School sa Polytechnic University of the Philippines. Kalakip po nito ang pagtanggap ko ng parangal bilang kapalit sa husay na ipinamalas ko sa nagdaang akademikong taon. Umabot po ang aking General Weighted Average na 94.875 para makuha ko ang karangalang With Honor.


Sa kaparehas rin pong taon, ay nakapasok ako sa aking dream school, at ito ang Polytechnic University of the Philippines. Kahit dito na po ako nagtapos ng Senior High School, kinakailangan ko pa rin pong kumuha ng PUPCET (PUP College Entrance Test). Hindi po naging madali ang pagpasok ko muli sa Sintang Paaralan, naging mahirap po ito dahil mabilis ang ubusan ng slots pagdating sa pagpili ng aming mga kursong gustong kunin. Lubos po akong nagpapasalamat sa panginoon kasi binigyan niya ko ng tiyansang makuha ang aking dream course sa aking dream school. Tumagal po ng 1 week ang aking enrolment para lang makakuha ng slot sa loob ng College of Education. Kasalukuyan ko pong kinukuha ang programang Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon Medyor sa Filipino (Bachelor in Secondary Education Major in Filipino). Kaya kung inyong mapapansin, wikang Filipino ang ginamit kong midyum sa pagsulat ng liham na ito, dahil dito ko po mas mabilis na naipapahayag ang aking saloobin at damdamin.


Updates from Our Scholars

Ngayong taon din po ako naging parte ng organisasyong PUP DAMLAY (Damdamin at Malay), na kung saan binubuo po ito ng mga estudyanteng nagpapaka-dalubhusa sa Filipino. Dito po isinusulong ang paggamit ng Wikang Filipino bilang pangunahing midyum sa pagsasalita. Mayroon pong ibat-ibang akademikong paligsahan na isinasagawa tuwing buwan ng wika na pinangungunahan ng aming organisasyon.


Ako po ay aktibo ring lumalahok sa Technical Ministry ng Light of Jesus Family-Feast Bicutan. Ito po ay isang Catholic bible study at prayer gathering na ginaganap tuwing lingo. Mayroon po itong banal na misa sa umpisa na sinusundan ng Bible Study. Ako po ay parte ng Technical Ministry na kung saan kami po ang nakatoka sa overall production ng buong Feast. Nung nakaraang buwan lang po ay sumama ako sa 2-day conference ng Light of Jesus na ginanap sa SMX Convention Center at MOA Arena. Para po sa akin, ito pong Feast ang nagpabago sa pananaw ko sa buhay. Dito ko po natutunan sa mga Pari at Preachers ang mahahalagang bagay na dapat ko isabuhay araw-araw.


Para po sa akin ang isa sa pinakamagandang highlight ng aking 2019 ay ang paggawad saakin ng karangalan bilang Presidents Lister ng PUP. Ito ay isang pagkilala na ibinibigay sa mga estudyante ng PUP na nagpakita ng husay at galing sa nagdaang semestre. Ako ay nakakuha ng General Weighted average na 1.18 sa unang semestre ng akademikong taon. Sa totoo lang po, hindi ko inasahan na makakakuha ako ng ganitong parangal dahil maraming magagaling at mahuhusay na estudyante sa aming silid aralan, pero by the grace of our Lord Almighty, nakamit ko ang ganitong pagkilala.
Ibinihagi ko po ng mga ito sa kadahilanang naging parte kayo sa lahat ng mga bagay na ito. Maaring hindi ko makamit ang ilang mga parangal na iyon kung hindi dahil sa tulong ng isang taong may kagandahang loob. Ipapangako ko pong pagiigihin ko ang aking pag-aaral upang hindi masayang ang oportunidad na ibinigay ng Sunshine Club sa akin. Sisiguraduhin ko rin na kapag natupad na ang aking mga pangarap, ako naman ang tutulong sa iba katulad ng pagtulong ng organisayong ito sa akin.